Puno ng nakakatamad na pakiramdam pero tila malalim. Ang lalim ng pinagmumulan.
Limang araw rin akong nagpahinga (bakasyon ko na). Nakakatamad sa bahay, ang gusto ko lang ay 'yong hindi ako nagpapagising sa alarm clock at ang katotohanang kasama ko ang pamilya ko (ma-drama ba?). Tapos, ang oras pa ay hindi mo malaman kung ano'ng gustong gawin. Babagal ba o bibilis. Parang sala sa init, sala sa lamig ang loko.
Ikinakaaliw ko rin pala ang ibang mga palabas sa telebisyon. Showtime (lalo na ngayong linggo), Landmarks sa Net25, NBA, My Princess ni Kim Tae Hee at lahat ng balita. Kahit papaano. Tapos, malapit na matapos ang nobela ko. 'Yon o!
May mamamatay daw, tatlo. Naisip ko kung ano kaya ang pakiramdam ng gano'n, mamamatay ka bukas, kahapon ng makalawa. Depressing, pero walang magagawa. Walang may kasalanan pero mayro'n, wala lang makapagturo o kung makapagtuturo man, mali ang dinuduro. Tatlong daliri naman ang bumabalik, ika nga ng Geometry teacher ko noong high school nang may kaklase akong nagtuturo kung sinong may pakana ng kung anong iyon na 'di ko na maalala.
Tatlong daliri ang bumabalik, kaya 'wag kang manunuro basta-basta.
Wala, wala na akong masabi. Blangko ang mga ideyang naiisip ko ngayon at hindi ito magpapakita hanggang may ginagawa akong iba bukod sa pagtingin sa kanya.
Blangko pa rin talaga.